First day Funk: Kindergarten
Pasukan nanaman, unang linggo ng Hunyo 1989.
Mataas ang araw at sadyang nagdulot ito ng pawis sa katawan lalo na't suot-suot ko for the first time ang maputi at makapal na blouse na amoy telang kakabili pa lang sa Divisoria.
Ako ay nasa ika-unang seksyon ng pang-hapon, 5 years old. Batang-bata pa.
Naalala ko nung unang araw ng pasukan, wala akong kamuwang-muwang sa pinaggagagawa ng nanay ko. Basta ang alam ko, dinala niya ako sa silid na punung-puno ng mga batang kapareha ng suot ko: puting blusa na may malalaking mala-kending butones sa harap at paldang checkered na bumubuo ng kulay green, black, white at yellow lines.
Hindi ko maintindihan bakit nagsisiiyakan ang mga batang kasama ko sa silid. Matapos ng ilang sandali ay napansin kong pasimpleng iniiwan na sila isa-isa ng kanilang mga magulang. Doon ko lang natanto kung bakit pala sila umiiyak. At dahil lahat sila ay umiiyak at nagsisigawan at humahabol pa sa paghawak sa kamay ng mommy't daddy nila, nakigaya na rin ako nang iniwan na rin ako ng nanay ko. Baka kasi kasama sa activity iyon.
* * *
"Okay, children! Today you are here in a classroom. This is the place where you will study. Your schedule is from 12 noon to 4pm everyday."
Hindi ko na maalala kung sa Ingles ba sinabi ng guro iyon. Pero palagay ko Tagalog niya sinabi iyon dahil panigurado wala pang batang Pilipinong pinanganak nang marunong nang mag-Ingles sa kapanahunan ko (..kahit naman ngayon!)
Ilang oras (o siguro araw) bago ko naintindihan kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng "school" o "estudyante" o "books" o kaya "learning". Basta ang alam ko, araw-araw na akong dinadala ng katulong namin sa silid na iyon at araw-araw kong nakikita ang mga batang iyon pati ang mga matatandang kung tawagin ng nanay ko eh, "teacher". At ang mga teacher na iyon, kailangan mong tawaging 'Teacher' bago ang palayaw nila: Teacher Sol, Teacher Vicky, Teacher Aurora, Teacher Claire.
Ang hindi ko rin maintindihan eh, bakit kailangang nakaupo buong araw sa upuang hindi naman puwedeng galawin ng iba kong mga kasama sa kuwarto. Naaalala ko rin nung tanghaling iyon, mga recess time, pinagalitan ang katabi ko dahil umiinom siya ng tubig habang nakatayo at malayo sa upuan niya, samantalang ako ay sinabihan ng "very good" dahil nakaupo ako sa bestfriend kong upuan nang uminom ako ng panulak sa sandwich ko.
At dahil nabanggit ko ang matalik kong kaibigang upuan, minsan eh..hindi kami nagkasundo.
Masyado ko kasi siyang inabuso. Araw-araw ko siyang ginagawang rocking chair dahil nung hindi pa ako nag-aaral, madalas akong tumatambay sa malaking rocking chair ng Lolo Badong ko. Nang napahiram sa akin ang matalik kong kaibigang upuan, masiyado akong nagtiwala. Sige lang. Rocking chair ang dating niya, kahit wala namang pang-duyan ang paanan nito.
Di nagtagal ang araw nang bigla na lang silang nakarinig ng malakas na bagsak sa sahig. Tumahimik lahat at tumingin sa direksyon ko. Nakahiga na ako sa sahig ngunit nakadikit pa rin ang puwet ko sa upuan ko. Lumapit silang lahat sa akin at tinanong kung ok lang ba ako. First time na eksena ko yun!
Marami akong naging kalokohan simula nang nag-Kinder ako. Maliban sa naghuhulog ng bomba sa saluwal at nag-iiyak-iyakan na lang para hindi mapagalitan, Madalas akong makaiwan ng mamahaling panyo sa loob ng table ko bawat pagtapos ng oras ng klase. Madalas rin akong nagnanakaw ng baon ng mga kasama ko at madalas, magdumi ng sarili kong panty.
Hapon na iyon naganap; ilang buwan na ang nakalipas. Wala pa kasi ang sundo ko kaya ilang minuto rin akong naghintay sa may playground, doon lang sa labas ng classroom namin. Napansin kong maraming naglalaro sa may slide, monkey bar at swing. Pagkakataon ko na ring makalaro dito at kahit papaano, makahanap ng kaibigan sa labas ng klasrum. Puno ang monkey bar. Pilahan sa slide. May naglalaro sa swing--maliban sa katabing isa pa. Walang gumagamit nito.
Lumapit ako at tinignan kung bakit. Iyon pala, maputik ang ilalim nito, may kaunti pang naipong tubig sa mismong tapat ng upuan ng swing. Pero dahil napakabihirang mabakante ang swing sa palaruan, sinigurado ko nang ito ang pinaka-pagkakataon ko.
Maingat akong lumapit at inabot ang lubid ng swing. Nang naabot ko na ang upuan, tumalon ako at umupo agad. Tagumpay. Nakapag-swing rin ako.
At dahil wala pa rin ang sundo ko, masaya akong nagduyan na parang walang bukas. Uso rin noon ang palakasan sa pagduyan. Sikat ka kung halos umabot ka na sa kalangitan. Sige...duyan lang ng duyan. Ngunit nang umiba na ang ihip ng hangin, bigla akong na-off balanced at nahulog mismo sa may putikan. Tinamaan pa ako ng swing sa noo.
Dumating rin ang sundo ko. Di ko alam bakit kung kelan ako nadisgrasya eh, saka siya lumitaw. Palagay ko nakipagtsismisan pa siya sa iba pang mga tagasundo ng bata o nakipaglandian pa sa guard sa may kanto. Napansin niyang hanggang teynga ang ngiti ko at parang may tinatago.
"Bakit ang laki ng ngiti mo!?" tanong niya.
Hindi ako sumagot. Nag-sway-sway lang ako. Halatang guilty.
"May tinatago ka, ano?"
Hindi pa rin sumagot.
Nakipaghabulan pa siya sa akin nun sa hallway ng paaralan para lang malaman kung ano ang tinatago ko. Nang nahuli na niya ako, tinignan niya ang palda ko kung may dumi nanaman. Nagtaka siya dahil malinis naman ito.
"Halika na nga't umuwi! Niloloko mo lang ako eh!
Akala ko nakatakas na ako nun. Ngunit nang nakarating na kami sa bahay, nalimutan kong siya rin pala ang nagbibihis sa akin. Kaya pagkatanggal na pagkatanggal ng palda kong nagbabalatkayo, napasigaw siya sa kanyang nakita.
"AAAY! Ano yan sa puwet mo, PUTIK!???"
Lagot. Nakita na ang kaluluwa ng tinatago ko. Buong pisngi ng puwet ko ay punung-puno ng natuyong putik.
Isang masinsinang paglalaba ang ginawa ni Inday. :-)
* * *
Comments
Post a Comment
What do you think about Pink's note? Write 'em up!
Note: You don't have to be a member of Blogspot or Google mail to write a comment. ^^