School Days: Iyakan

Sino sa inyo ang hindi umiyak noong high school?
..Hindi ikaw? Eh nung grade school?

..Hindi rin? 

Wag mo sabihing hindi ka rin umiyak nung kinder. Dahil kung hinde, sinungaling ka.

Lahat naman siguro tayo ay nakaranas magpapatak ng luha sa mata. Kung hindi man, magpapawis ng mata. At kung ayaw mong magpakita na umiiyak ka, tatakbo ka bigla sa upuan mo, hihilahin ang lamesa, ibabaon ang ulo sa tinuping mga braso at magkukunwaring tulog. Pero maya't maya maririnig na namin ang pagsinghot mo sa nililigtas mong uhog na halos humalik sa sahig. Tapos bibilis ang paghinga mo dahil hindi na kinaya ng powers mo ang kadramahang ayaw mo namang sabihin sa mga kaibigan mo. At kapag tinatanong ka ng seatmate mo ng "Okay ka lang?" magagalit ka pa! (tama nga naman--umiiyak ka na nga eh, tatanungin ka pa kung okay ka.)

Maraming dahilan ang teleserye ng ating mga luha. Madalas yan ay sanhi ng pag-aaway ng mga magkakaibigan sa school. Yung iba naman ay napagalitan ng guro dahil nahuli siyang nangongodigo sa gitna ng eksamen. Yung iba naman, binusted ng nililigawan nila. Yung iba naman, malamang niligawan ng crush nila ang mismong bestfriend nila.

At ang iba naman, wala lang. Papansin lang.

Mas mababaw ang dahilan, mas mabilis umiyak. Mas mabilis ang pag-iyak, mas napapansin ng mga kaklase. At pag pinapansin ng mga kaklase, nagiging usapan sa klasrum. Nagiging sikat. Nagiging drama queen ("king" naman kung silahis o bakla)...nagiging diva.

Hindi ko alam kung saan nagsimula ang notorious position ng pag-iyak---yung yumuyuko at tinatago ang ulo sa pamamagitan ng kanyang braso. Pero nung gradeschool ako hanggang high school, usong-uso ito. Hindi ito mawawala sa mga estudyanteng binu-bully, mga baklang nagpapakalalaki, mga tomboy na nagmamatigas at tulad ng sinabi ko kanina, mga ubod ng papansin. Sabagay, mahirap nga namang magpalabas ng sama ng loob kapag teenager ka pa, dahil ito ang stage of frustration sa ating pagkatao. 

Sa totoo lang, hindi mabubuo ang kulay ng iyong pagiging estudyante kung hindi ka umiyak. Nakakatawa man ang mga naging dahilan ng ating pagluha, ito pa rin ay sadyang nag-iiwan ng ala-ala ng buhay-estudyante: talo pa ang Mega-Star, Drama Star, at lahat na ng madramang star na kulang na lang ay makatanggap ng Oscar Awards.  At alam kong pagkatapos mong basahin ito ay matatawa ka na lang dahil kahit papaano, umiyak ka rin sa klasrum ninyo!


Comments

Popular Posts