Ang ligaya sa pagsusulat sa journal

Ilang linggo na lang ang nalalabi at tapos na naman ang taon. Panibagong buhay nanaman.
Pero bago ako magbanggit ng tungkol dun, hayaan ko munang balikan ang mga nakaraang mga araw, linggo, at buwan na mga nangyari sa taong 2012. Naku..marami-rami rin yun. Siguro wag muna sa entry ko ngayon.

Pero ang nagtawag-pansin talaga sa araw na ito ay ang nabasa kong Facebook status ng isang kaibigan (na naging bestfriend ko ngayon) na si Olen; tungkol sa pagbasa niya ng journal na isinulat niya nung mga nakaraang linggo. Nagcomment rin ang isa ko pang kaibigan sa status niya, na nagsasabing nakaka-relate siya sa mga sinabi ni Olen dahil siya mismo ay nagsusulat rin sa journal (at natatawa sa mga isinulat niya). Ano kayang kalokohan at kadramahan ang mga sinulat nun? Hmmm.

Napagisip-isip ko lang na karamihan pala talaga satin ay mahilig pa ring magsulat sa journal, kahit hindi na uso ang snail mail, ang mga baduy na hard covered diaries, at ang mga umaalingasaw na pabango sa mga stationeries nung 90s. May mga ilan pa rin palang ginagawang ugali ang basahin ang kanilang mga naging sulatin nung mga nakaraang buwan bago magtapos ang Disyembre. At wagas pa rin ang tawanan habang binabasa nila ang mga ito sa kani-kanilang silid.
  
 


Ang aking1998 journal galing sa Papemelrotti, at ang aking 2010 journal na nilikha ng kabigan kong si Charie


Nakakatawa dahil isa rin ako sa mga taong ganun. Na sa bawat journal na sinusulat ay buong-pusong binabanggit ang mga hinanakit--may kasama pang luha na natuyo sa pahina na pinupuno ng mga salitang pinaghuhugutan ng mga sari-saring emosyon; na mangyaring sa bandang huli ay magiging katatawanan lang paglipas ng ilang buwan o taon.

Isa sa mga naging pinaka-nakakakilig kong isinulat noong high school--nang naging crush ko ang isa sa mga sikat na mga badboys sa paaralan. HAH!

Mayroon rin naman tayong mga naisusulat na talagang masarap ulit-ulitin: ang mga pagsasapalaran natin kasama ang mga kaibigan, mga kapatid, at pamilya na nagdiwang ng iba't ibang okasyon sa buhay natin--mga kaarawan, outings, getaways; mga first-time na experiences, mga sari-saring kalokohan at mga panibagong kaibigan, hobbies, mga bagong tirahan, workplace, o paaralan na pinasukan..at kung anu-ano pa.

Pero higit sa lahat, ang pinakamasayang pakiramdam ng pagsusulat sa journal ay ang mga napupulot nating mga aral para sa sarili. Sa bawat entry na pinagkakaabalahan natin ng humigit-kumulang na isang oras sa pagsulat, madalas ay nakakatulong siya sa paglabas natin ng damdaming hindi natin maipinta o maibigkas sa salita, o maikuwento sa mga kaibigan (dahil baka sabihing ang OA natin masyado). 

Mayroon akong isang paboritong pahina sa aking journal noong 2010 na di sinasadyang basahin kaninang hapon. Ilan dito ay mga quotes at Bible verses na sumakto sa pinagdadaanan ko ngayon. Ayon dito, 

"Be guarded with tests as you follow Christ. There are many tests that can 'test' your character."
"If anyone would come after me, he must deny himself and take up his cross daily." -Luke 9:23
"If you will not be ready for simple tests and blessings, you will not be ready with bigger blessings."
"Whatever your test (might be) right now, consider it pure joy" (refer to James 1:2)

Gaya ng ibang mga nag-i-emo sa pagsulat sa journal, hindi talaga maiwasang balik-balikan ang mga naisulat noong araw. Hindi lang naman dahil naku-curious tayo sa mga sinulat natin noon, ngunit nakakatulong ito sa pagreflect natin kung sino na tayo ngayon; kung anong klaseng tao na tayo ngayon.
Ang kasiyahan ng pagsusulat sa journal ay hindi lang naman dahil sa mga kalokohan o kasiyahan o kadramahan na naisulat natin; madalas ay masarap basahin ito dahil nakikita natin kung ano ba ang naging buhay natin noon--at paano tayo nakaahon at naging matatag sa mga naging problema noon. 

Sa ngayon hindi na ako masipag magsulat ng mga karanasan ko araw-araw dahil naging busy na ako sa trabaho. Madalas rin kasi sinasabi ko sa sarili ko, "matanda na ako. Di na uso sakin ang mga ganyan." Ngunit mali pala. Mali ang ganung pagiisip. Habang may kamay, may utak, damdamin at kadramahan, mangyaring magsulat nang magsulat! Hindi lang nakakatulong sa pagsuka ng panandaliang galit o kaartehan; minsan rin ay nakakadagdag sa wagas na katatawanan sa mga susunod na taon. :-)

2013--humanda ka at marami akong maisusulat sa magiging panibagong journal. >:)

Comments

Popular Posts